Mas matindi at mas palaban ang magiging tapatan nina Lino (Jericho Rosales), Jade (Yam Concepcion), Jacky (Yen Santos), at Ace (Sam Milby) ngayong pagdaraanan nila ang pinakamatitinik na hamon na pilit maglalayo sa kanila sa pagmamahal at karapatang kanilang inaasam sa huling dalawang linggo ng “Halik.”
Patuloy ngang panggi-gigilan ng mga manonood ang mga kaganapan tuwing gabi dahil sa kasamaan nina Ace at Jade, na parehong gagawin ang lahat para makatakas mula sa batas at mailayo si baby CJ mula kay Lino. Ang pagmamahal naman sa anak ang gagamiting sandata ni Lino para mabawi si baby CJ, at makakatulong niya rito si Jacky, na patuloy ding ibibigay ang suporta niya hanggang sa huli.
Ngunit buhay ang maaaring maging kapalit ng kanilang tapatan dahil parehong malalagay sa bingit ng kamatayan sina Jade at Jacky, na dahilan naman para magbago ang daang tatahakin ni Lino para makuha ang hustisyang inaasam. Pero sa kabila ng mga buhay na posibleng mawala, ipagpapatuloy pa rin ni Ace ang kasakiman at sisiguraduhing makaganti kay Lino gamit sina Jade, Jacky at anak nitong si CJ.
Sino nga kaya ang magwawagi sa laban nila? Kanino nga kaya nila ibibigay ang kanilang huling halik?
Samantala, maituturing ngang isa sa pinakapinag-usapang serye ng 2018 ang “Halik.” Halos gabi-gabi itong trending sa social media at laman ng iba’t-ibang memes dahil na rin sa mga nakakainis at nakakatuwang eksena nito.
Kinapitan din ang serye dahil sa mga aral na ipinakita nito. Kinabiliban si Lino dahil sa kanyang dedikasyong gawin ang tama at maging ama para sa kanyang anak. Nagpakita naman ng katapangan si Jacky at pinatunayang kaya rin ng mga babaeng ipaglaban ang kanilang sarili.
Bagama’t masama sa tingin ng iba, si Jade naman ay isang huwarang ina na handang isakripisyo ang sarili para sa kanyang anak. Ang buhay naman ni Ace ang patunay na may kapalit ang lahat ng kasakiman at mas maiging gumawa ng kabutihan para makuha ang tunay na kaligayahan.
Marami ring kabahayan ang nanggi-gigil sa kwento nito kaya patuloy ang pangunguna nito sa national TV ratings mula nang umere ito noong Agosto 2018. Nagtala rin ito ng all-time high national TV rating na 29.3%, numerong mataas para sa timeslot nito.
Lagi ring pinapanood ang serye online dahil ito pa rin ang most-watched show sa iWant noong Marso.
Umabot naman na sa Africa ang kwento nina Lino, Jade, Jacky, at Ace dahil napapanood na rin ang “Halik” sa Tanzania mula noong Pebrero.
Tutukan ang huling dalawang linggo ng “Halik” sa ABS-CBN. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com .
0 comments:
Post a Comment